Matapos ang dikitang laban sa halos buong yugto ng Game 1 match, umalagwa ang last year's U-22 finalist Centro Uno Tapas sa fourth quarter kontra sa contender na Nabannagan Wild West, 67-62 upang maka-abante sa best-of-three Interbarangay U-22 Finals na ginanap sa Natalged A Lasam Arena, kagabi.
Hindi dinismaya ng Tapas at Wild West ang jam-packed NALA crowd dahil sa maaksyong palitan ng puntos sa buong laro hanggang sa tuluyan nang inangkin ng Tapas ang momentum sa huling minuto ng 4Q upang masungkit ang 1-0 series lead.
Balanseng opensa ang ipinakita ng Tapas sa opening quarter na pinagunahan ng kanilang all-star guard na si Michael Bisquera at forward Ramon Agoot na naging dahilan ng kanilang maagang 17-12 na lamang.
Ipinagpatuloy ng Tapas ang kanilang mainit na opensa sa second quarter upang bitbitin ang 36-27 na kalamangan sa pagtatapos ng first half.
Sa pagsisimula ng third canto, nagiba ang timpla ng laro nang biglang bumulusok ang opensa ng Wild West mula sa matinding connection ng Sandrex Antonio at MVP candidate Markjun Ranjo sa loob ng paint upang maibaba ang kalamangan sa dalawa, 40-38.
Ngunit may ibang plano si Bisquera at tinuldukan ang run ng Nabannagan nang maipasok niya ang isang tres na nagbigay sa kanila ng 45-38 kalamangan sa huling minuto ng ikatlong kwarter.
Sa huling 30 seconds, hindi naman nagpatinag ang West nang rumesbak ng puntos si Ranjo mula sa kanyang mga fastbreak layups upang maitabla ang laban, 45-45, bago ang huling kwarter.
Dumagundong naman ang arena sa pagsisimula ng fourth quarter dahil sa back-and-forth action ng dalawang panig hanggang sa makuha na ng West ang kalamangan, 54-59, nang bumirada si Antonio sa kanyang mga fastbreak points.
Sumagot naman ang Tapas at naitabla nila ang laro sa 2:45 mark, 58-58 na pinamunuan ni Bisquera at shooting guard Francis Agoot.
Tuluyan nang naagaw ng Tapas ang momentum sa sumunod na minuto mula sa dagger three ni Agoot at clutch jumpshot ni C1 forward Jerson Atienza upang tuluyan ng maselyuhan ang 67-62 dub at umabante sa best of three series. Tatangkain namang bumawi ng Nabannagan West na itabla ang series sa Sabado, April 13.
Dinaluhan din ng DanDex Cup Commissioners, sa pangunguna ni Mayor Dante Dexter A. Agatep, Jr. kasama ang kanyang maybahay, ang naunang Game 1 ng Inter-agency Basketball Finals na pinanalunan ng LGU Team. #
💻Norielle D. Pastor 📸 Alfred U. Ursua