Idinaos ang pangalawang State of the Municipality Address ni Mayor Dante Dexter A. Agatep, Jr. umaga ng January 20, 2025 sa Natalged A Lasam Arena. Dinaluhan ito ng kanyang malapit na pamilya, kabuuan ng mga kawani ng Local Government Unit of Lasam, barangay at SK officials, kinatawan national government agencies, at iba't ibang organisasyon.
Binalangkas ang kanyang SOMA base sa functionalities ng LGU. Iniulat ng Alkalde ang kalagayan at mga hamon sa Munisipalidad sa nagdaang limang taon matapos ang kanyang unang SOMA noong 2020 kaya umabot sa dalawa at kalahating oras ang kanyang pagtatalumpati. Ibinahagi rin niya ang kanyang mga susunod pang action o hakbangin.
Inumpisahan ni Mayor Agatep ang kanyang speech sa pagbibigay-halaga sa transparency at panghihikayat sa stakeholder participation bago niya isaisang inilahad ang departmental accomplishments na suportado ng datos at photos. Umani ng pagtanggap at masigabong palakpakanan ang sumusunod.
Pangunahin ang infrastructure development: mga kalsada at tulay na sadyang mahalaga sa pag-unlad ng ekonomiya at pagpaparating ng sari-saring serbisyo sa mga barangay.
Pinalakpakan ang pagtatapos ng Natalged Arena, bagong public market building, ang tinatapos na mas malaking slaughterhouse sa Minanga Sur, ang pagpapalaki sa Municipal Town Hall, ang Natalged Park, at children’s playground sa tabi nito.
Kinasiyahan din ang pagbibigay importansiya sa human capital sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na human resource development sa iba’t ibang larangan lalung-lalo na sa agrikultura bilang ito ang backbone ng ekonomiya ng Munisipalidad.
Ibinida rin ng Alkalde ang pag-usad sa data-driven LGU operation; ang high-tech na pagkalap ng datos para sa well-informed decisions ng Municipal Planning and Development Office at ang Natalged ACCESS o Advanced monitoring Command and Coordination center for Emergency, Security and Safety of Lasameños, para sa crime prevention and disaster management ng Municipal Disaster Risk and Management Office.
Isinunod ng Local Chief Executive ang pagbanggit sa national recognitions sa disaster management, health, literacy, social services programs. Ang lahat ng mga ito ay contributory sa pagkakamit ng Seal of Good Local Governance para sa Bayan ng Lasam noong 2022 at nito lang 2024.
Pinakamalakas ang palakpak nang banggitin niya ang pagtalon ng economic class ng Lasam bilang isa ng First Class Municipality mula sa pagiging Third Class. Bunga ito ng combined efforts ng Business Permit Licensing Office, Local Civil Registry, Municipal Assessors, Planning and Development, at Treasury offices at bunsod ng magandang business climate sa Munisipalidad.
Sa kanyang pagtatapos, naging emosyonal ang Alkalde nang sabihing maaaring may pagkukulang man siya bilang isang leader ngunit nais pa niyang maglingkod at patunayang may magagawa pa rin siya para sa Bayang NATALGED A LASAM.#
— A. Ursua