Makabagong Paraan sa Pagsasaka, Kailangan Na

January 2, 2023

Mass graduation ng mga "farmer-students" na nag-aral ng mga makabagong paraan sa pagsasaka sa RL Jurado Training Center ng Aquarich Integrated Farms.

Bilang isang bayang agrikultural, kilala ang Lasam na “rice basket” sa Kanlurang Cagayan dahil malaki ang supply ng palay o bigas na nagmumula rito.

Nitong mga nakaraang taon, dumarami ang residente ng Lasam ang naghahayag ng kanilang hinaing sa pagsasaka. Kabilang rito ang tumataas na gastos sa farm inputs at ang mababang presyo ng palay kada kilo.

Nagbagong Sistema

Bunsod ng pangkahalatang pangangailangan, isinabatas ang Republic Act. 11203 o ang Rice Tarrification Law. Nakapaloob sa batas na ito ang pag-kontrol sa presyo ng bigas at ang pag-angkat din ng bigas mula sa ibang bansa. Malalawak man ang mga sakahan sa ating bansa, kulang pa rin ang produksiyon ng bigas para sa pangangailangan ng mahigit na 100 milyong Pilipino.

Sa unang tingin, ang RA 11203 at ang pag-aangkat ng bigas ang nagpababa sa presyo ng palay. Pero kinonsidera rito ang pangangailangan ng mas nakararaming Pilipino—magsasaka man o hindi. At may mga kapalit ito na para sa kapakanan ng mga magsasaka.

May Suporta ang Pamahalaan


Kasabay sa pagkontrol ng presyo ng bigas na nagpababa sa presyo ng palay na dating umaabot sa isang libo kada sako, may mga programa ang Department of Agriculture (DA) upang matulungan ang sector ng magsasaka. Ito ay mga programang nakapaloob sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), at nagmumula ang pondo nito sa taripa sa mga inaangkat na bigas.

Kung ikaw ay rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at mayroon lamang sakahang dalawang ektarya, prayoridad kang makatatanggap ng binhi, fertilizer, at financial assistance.

Namamahagi rin ang DA ng mga traktor, reaper, at iba pang makinarya na pamamahalaan ng mga kooperatiba upang maging episyente ang pagsasaka. Maaari ring makapag-avail ng agricultural loan sa mababang interes, at may libreng crop insurance para sa minimum na coverage.

Inobasyon ang Solusyon

Nito lamang Dec. 27, 2022 dumalo si Mayor Dante Dexter A. Agatep sa pagtatapos ng mga TESDA scholars ng RL Training Center sa mga short courses tungkol sa makabagong paraan sa pagsasaka. Si TESDA Region 2 Director Romeo Talosig ang naging guest speaker.

Karamihan sa ating mga magsasaka ay namulat sa tradisyunal na pagsasaka—kung ano ang itinuro ng nakatatanda ay siya rin ang gawain. Pero may mga pamamaraang base sa research o pag-aaral na pwedeng tularan ng makabagong magsasaka. Tulad sa pagtanggap sa paggamit ng mga modernong makinaryang tractor o reaper, mainam ding tanggapin o i-adopt ang mga bagong sistema sa pagsasaka para mapataas ang ani o kita mula sa mas mababang puhunan.

Dumarami na ang nagtatapos sa mga Agricultural Training Institutes (ATIs) dito sa Lasam upang mapalaganap ang mga siyentipikado at modernong pamamaraan ng pagsasaka. Sa pangangasiwa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ang pagti-training sa isang ATI o sa Lasam Institute of Technology (LIT) ay libre dahil paraan din ito ng pamahalaang tulungan ang mga magsasaka at iba pang mamamayan upang mapaganda ang kanilang kabuhayan. Hangarin ng pamahalaan sa pamamagitan ng DA, at ng pamunuan ni Mayor Agatep na gaganda pa ang industriya ng agrikultura sa Lasam.


Daybersipikasyon, Isa Pang Solusyon

Upang lalong mapaunlad ang kabuhayan, hinihikayat din ni Mayor Agatep ang mga magsasakang mag-daybersipay o paramihin ang produkto o pinagkakakitaang agrikultural. Pinag-iibayo rin ang suporta ng Alkalde para umusbong ang industriya ng pag-papalaisdaan, pagtatanim ng cacao, at pag-hahayupan. #

— with photos from Aquarich Integrated Farms

RELATED NEWS

linkedin facebook pinterest youtube rss twitter instagram facebook-blank rss-blank linkedin-blank pinterest youtube twitter instagram