Nagpulong noong Biyernes ang pamunuan ng Local Government Unit (LGU) of Lasam at kinatawan ng iba’t ibang sektor na bumubuo ng Municipal Development Council (MDC) at Municipal Peace Council (MPC) kasama ang mga Punong Barangay na kasapi ng Association of Barangay Captains (ABC) upang talakayin ang mga proyekto at programa ng LGU ngayong 2023.
Ang nasabing meeting ay pinangunahan nina Mayor Dante Dexter Agatep, Vice Mayor Randy Cambe, ABC Pres. Dominador Cortes, Municipal Planning and Development Coordinator Rodel Urian, at Municipal Local Government Officer Reenie Heidy C. Tollo.
Iniulat muna ng mga kawani ng iba’t ibang sektor ang mga accomplishment nila sa huling tatlong buwan ng 2022 bago nila tinalakay ang mga hakbangin nila nitong First Quarter ng 2023.
Municipal Planning and Development
Naunang iniulat ni Ar. Rodel Urian, MPD Coordinator, ang mga ongoing na impraistruktura at ilan pang mga bagong uumpisahan ayon sa aprobadong 2023 development fund. Nauuna sa mga ito ang People's Center o gymnasium na kasalukuyan ang pagbububong; ang renovation, pagpapaganda, at mga karagdagang pasilidad sa munisipyo at Natalged Park.
Kasama ring iniulat ni Ar. Urian ang status ng public market extension at ang mga farm to market road (FMR) na mahahalagang salik sa ikagaganda ng ekonomiya ng munisipalidad.
Idinagdag naman ni Mayor Agatep ang mga proyekto mula sa special allocation gaya ng isang Child Development Center na popondohan mula sa isang social welfare program ni Vice Gov. Boy Vargas, at isang FMR sa Tucalan Passing. Ang pondo sa nasabing daan ang manggagaling sa napagwagihang kauna-unahang Seal of Good Local Governance (SGLG) ng bayan ng Lasam.
Municipal Peace and Order Council (MPOC)
Sumunod namang iniulat ni Major Efren Tangonan, Chief ng Local Philippine National Police, ang kasalukuyang sitwasyon sa kaayusan. Nagbigay siya ng datos tungkol sa crime rate at naglahad ng ilan sa hakbangin sa PNP upang mapalaganap ang kaayusan sa munisipalidad.
Nagbigay din ng over-all peace situation ng kinatawan ng Philippine Army na si SSG Jaime Vallejo na sinundan ni Fire Officer Anthony Taguinod para sa mga programa ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Ipinakita naman ni Mr. Christian Cabantac ng Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office (MDRRMO) ang mga bagong pananggalang sa sakuna at kanilang iba pang mga programa sa disaster preparedness and response.
Bilang Local Chief Executive at Chairman ng Municipal Project Monitoring Council (MPMC) nasa overall management ni Mayor Agatep ang lahat ng mga programa at proyekto ng LGU at tinitiyak niyang nakaayon ang mga ito sa mga adhikain ng Natalged a Lasam Development Goal Pillars (NLDGPs) na nasa ibaba. Ito ang siyang gabay ng kanyang pamunuan simula pagkaupo niya para sa kanyang second term.
Kasama rin dito ang ilang mga karangalang napagwagihan ng bayan ng Natalged a Lasam nitong nakalipas na taong 2022.
Hinihikayat ni Mayor Agatep ang pagkakaisa ng bawat department head, punong barangay, at lahat ng kawani ng LGU ang pagsusumikap upang mapaganda ang buhay ng bawat isang Lasameño.#