Kauumpisa ang implementasyon ng Republic Act No. 12028 o Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act sa lahat ng public schools sa buong bansa. May kanya-kanyang launching ito sa bawat public grade o high school dito sa Bayan ng Lasam nitong Lunes, September 15.
Inilunsad ng Department of Education ang ARAL Program dahil sa findings tungkol sa learning gaps o bumababang functional literacy sa basic education. Ibig sabihin, may mga pumapasa sa grade school o high school na hindi sapat ang pagkatututo ng kaalaman o skills na dapat nilang matutunan.
Ginawang isang batas ang ARAL at kailangang maipatupad ito upang matutukan at mai-tutor ang mga napag-iiwanang mag-aaral mula grade school hanggang junior high school.
MGA DAPAT MAUNAWAAN NG MAGULANG. Mahalaga ang epektibong pagkatuto ng basic skills sa lower grades upang magkaroon ng sapat na pundasyon ang mga mag-aaral. Halimbawa, kung hindi makabasa at makaunawa ng binasa ang inyong anak, mahihirapan itong matuto sa ibang larangan o subject gaya ng science. Mahihirapan naman ito sa iba pang hamon kung mahina sa simpleng math operations.
Kailangan ng tutoring sapagkat importante ang ganap na pagkakatuto ng minimum skills sa bawat graduhan, nasa alin grade man siya sa kasalukuyan. Matitiyak ito ng magulang sa pagdalo sa card day tuwing markahan at pag-usisa mismo sa anak.
PARTISIPASYON NG LGU-LASAM. Magkatuwang ang LGU at DepEd District of Lasam sa implementasyon ng ARAL alang-alang sa kinabukasan ng mga batang Lasameño. Kung kaya, pinagtibay ng Legislative Department ang pagsuporta sa ARAL Program sa pamamagitan ng isang Resolution upang mabigyan ito ng importansiya ng educational leaders, mga guro, magulang, at mismong mag-aaral.
Dito rin sa Bayan ng Lasam ginanap ang ARAL Program Division Orientation nitong September 4-5, 2025, para sa buong Cagayan kung saan dumalo ang lahat ng mga Public School District Supervisors ng lalawigan.
DAHIL SADYANG MAHALAGA ANG PAGBABASA. Batid ng pamunuan ng LGU-Lasam, na pawang literacy advocates, ang kahalagahan ng pagbabasa sa pagkatuto kung kaya nagpapatuloy ang programa nitong "Feed the Body, Feed the Mind" na dinadala sa mga barangay bilang Natalged a Lasam Reading and Storytelling Caravan.
Layunin ng programang mabigyan ng memorable experiences sa pamamagitan ng animated storytelling ang Daycare, Kinder, Grades 1-3 participants, nang maganyak ang mga ito sa mga tauhan, tagpo, at mga nakatutuwang kwentong pambata upang magkaroon sila ng interes sa pagbabasa ng aklat, ito ay printed o e-book man.
Mismong sina Mayor Dante Dexter A. Agatep, Vice Mayor Dannah Paula T. Agatep, at SB Lilibeth Barut-del Rosario, nag-author sa programa, ay dumadalo sa Storytelling Session upang basahan ang mga bata sa iba't-ibang barangay.#