Bunsod ng pagpapahalaga sa human capital para sa pag-asenso ng sariling kabuhayan ng mga Lasameño at para sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng Bayang Lasam, bumungad sa Quarter 1 ng 2025 ang iba’t-ibang skills development, benchmarking, training, o retooling para sa:
BAMBOO INDUSTRY. Limang taon matapos itinatag ang Natalged a Lasam Bamboo Growers’ Association, pinabalikan ni Mayor Dante Dexter A. Agatep ang kanilang initial bamboo growing initiative para sa allied livelihoods at magandang dulot nito sa watershed. Sa paghahangad na mapabilis ang pag-develop sa bamboo industry, dinala ni Mayor Agatep ang buong officers ng NALABAGA at LGU officials sa Bayan ng Quezon sa Isabela para sa isang Bamboo Industry Benchmarking visit.
CONTINUING CACAO TRAINING. Patuloy ang paglaki ng konsumo ng chocolate sa buong mundo kaya tumataas lalo ang demand sa pinagmumulan nito – ang cacao. Sa pagkakatatag ng Natalged a Lasam Cacao Sustainable Agriculture Cooperative (NALACASACO), nagpapatuloy ang pag-equip sa mga magka-cacao na Lasameño sa tamang cacao growing, processing, at marketing. Mismong si Noli P. Garcia, NALACASACO Chairperson, ay dumadalo pa rin sa mga trainer's training upang maisiwalat niya nang epektibo ang mga kaalaman sa pagka-cacao.
MUSHROOM GROWING, BY-PRODUCTS PRODUCTION. Dahil ang mushroom ay isang sustainable protein source, pina-iigting ang industriya nito lalung-lalo na at may hamon pa rin sa anthrax o ASF ang ating meat supply. Nagkaroon din ng mushroom culture orientation sa Quezon, Isabela at tutungo naman ang grupo ng LasaMush Cooperative ng Magsaysay sa San Juan, Ilocos Sur para sa isang Mushroom Industry Benchmarking trip.
SISTEMANG PALAY CHECK. Dahil rice agriculture ang economic backbone ng Bayang Lasam at tinagurian itong ‘Rice Basket of Western Cagayan,’ pinabibilis ang pag-retool or pag-aaral sa makabagong sistema ng pagpapalayan para sa Lasameño farmers. Kasabay ng nalalapit na anihan at Farm Derby sa Alannay ngayong Dry Season, magtatapos ang 30 farmer-students ng Demo-farm-school ng LGU rito.
SWINE PRODUCTION. Beneficiary ng swine industry grants ng Department of Agriculture ang Aquarich Integrated Farm at mismong LGU. Mayroon ding funding grants mula sa Department of Social Welfare and Development, through the offices of Senators Allan Peter and Pia Cayetano, para sa Sustainable Livelihood Project on backyard hog raising ang Natalged Women kaya nagdadaos ng training on Swine Production training ang Municipal Agriculture Office. Bahagi ng training kung paano gawing protektado ang isang babuyan sa ASF.
BASIC BUSINESS MANAGEMENT/BOOKEEPING. Magsasaka ka man ng palay, gulay o mais, may babuyan, manukan o palaisdaan, kailangan mong matuto sa pagpapalakad ng mga ito bilang negosyo. Nagbibigay ang Department of Trade and Industry ng orientation o crash course sa pagnenegosyo.
"Usaren yu ti nasursuro yu tapno ti kasta ket rumang-ay dagita narugian yu nga negosyo babaen ti Sustainable Livelihood Program ti DSWD," salita ni Mayor Agatep sa nahuling business training ng Natalged Women. Sa kasalukuyan, may mahigit 20 SLP associations ng Natalged Women, kung saan sina Mayor Agatep at SB Lilibeth B. del Rosario ang co-chairpersons, ang may kanya-kanyang livelihood project.
CTEC CONFERENCE. Sa nakalipas na pagtitipon ng Community Training and Employment Coordinators sa Bayan ng Abulug, inihain ang ilang priority training programs nitong Quarter 2-4 2025 para sa kapakanan ng mas maraming Natalged Women, youth, o Lasameñong walang pormal na pinagkakakitaan.#
Nirepresent ng writer si PESO Manager Leonida Pillos sa CTEC Conference nito lang February 20-21.
—A. Ursua